
Pagpapakalat ng Bagong Block Kapag nakabuo ng block na may tamang kondisyon ang miner, ipapasa na ito gamit ang alin sa mga sumusunod: > Unsolicited Block Push - ito ay lumang paraan kung saan magpapasa ng block na mensahe sa full nodes na konektado. Kumbaga, ito ay eager push na pagtsismis ng impormasyon. > Standard Block Relay - ito ay mas bagong paraan para sa miner na nagpapaalam ng matagumpay na block. Magpapadala muna ng inv na mensahe sa full node at SPV node na konektado ang miner, na naglalaman ng bagong block header. Na sasagutin naman ng: >>Getdata kung ang isang node ay gumagana pa rin bilang blocks-first. Kaya sasagot na ng block na mensahe ang miner. >>Sa mga headers-first na peers naman, getheaders ang isasagot, kung saan may ilang headers ng mga naunang blocks ang titignan para makumpirma ang bagong block header. Susundan ito ng getdata para makuha na ang block. Pero kung sa pananaw nito ay hindi kompirmado ang bagong block header, itatapon na nito ang buong block. Sa paraang ito, maiiwasan ang orphan block, o block na hindi nakikita ang parent block. >>Ang SPV na client ay sasagot ng getdata pero ang tinutukoy ay Merkle block. >Direct headers - ito ay mas bago pang paraan kumpara sa standard block relay na pwedeng gamitin ng miners at relay nodes para sa mga mas updated na software. Ang isang node na sumusunod dito ay nagpapadala ng “sendheaders” na mensahe sa inisyal na koneksyon. Kaya, twing may bagong block, header nito muna ang ipapadala ng miner. Tapos, ang full node ay hihingi ng data ng buong block, samantalang ang SPV client ay hihingi ng data ng Merkle block. >Compact Block Relay - ito ay mas bagong paraan pa uli ng pagpapakalat ng block, na naglalayong matipid ang bandwidth na gamit. Nakakatulong din ito na bumilis ang pasahan ng block. Ito ay ginagamit ang konsepto na ang mga transaksyon sa isang block ay malamang makikita rin sa kani-kaniyang mempool ng mga nodes. Kaya, sa halip na buong block ang ipadala, magpapadala ng compact block. Ang tatanggap na node ay dapat kayang buuin ang block base sa compact block. Ang node na pwedeng tumanggap ng compact block ay dapat magpadala muna ng “sendcmpct” na mensahe sa inisyal na koneksyon. Ang standard block relay at direct headers na paraan ng pagtsismis ng bagong block ay lazy push na stratehiya, diba? Ang compact block relay naman ay maaaring eager push at lazy push.